CMDI Tagum ipinagdiwang ang Buwan ng Wika
Ipinagdiwang ng CARD-MRI Development Institute, Inc. (CMDI) Tagum City Campus ang Buwan ng Wika na may temang, “Filipino: Wika ng Saliksik” noong Agosto 23 at 24, 2018.
Pinangunahan ng organisasyong Samahang Filipino o SAMAFIL ang iba’t ibang aktibidades at mga patimpalak na naglalayong itaas pa ang kamalayan sa kahalagahan ng wikang Filipino.
Sa unang araw ng pagdiriwang ay ginanap ang eliminasyon para sa Tagisan ng Talino, Pagsulat ng Sanaysay, Poster Making, Pagsulat ng Tula (Spoken Poetry), Sayaw at Awit (Sayawit), Katutubong Sayaw, Halo-halong Emosyon, at Larong Lahi, kung saan ay nagpatuloy ang mga nanalo sa huling tagisan na ginanap noong Agosto 24, 2018.
Narito ang mga nanalo sa mga patimpalak: Tagisan ng Talino: Competence (SHS); Pagsulat ng Sanaysay: Kolehiyo, Block 2; Poster Making: Integrity (SHS); Pagsulat ng Tula (Spoken Poetry): Kolehiyo, Block 4; Sayaw at Awit (Sayawit): Philippines (SHS); Katutubong Sayaw: Kolehiyo, Block 4; Halo-halong Emosyon: Vietnam (SHS); at Larong Lahi: Laos (SHS).
Pinakahihintay ng lahat ang Lakan at Lakambini ng Wika 2018 kung saan 15 pares ang nagtagisan sa kanilang Filipinianang kasuotan. Limang pares ang pinili upang magpatuloy sa susunod na bahagi kung saan sila ay nagtagisan sa Katutubong Sayaw, Pagtula, Sayawit, at Halo-halong Emosyon.
Sa huli, tatlong pares ang nanaig at itinanghal sina Eleoquilim Quijas at Earna Rose Cadungog ng SHS seksyon Integrity bilang Lakan at Lakambini ng Wika 2018. Nakuha naman nina Allen Jay Andrin at Kyth Jenelle Panganiban ang Lakan at Lakambini ng Panitikan habang ang Lakan at Lakambini ng Balarila ay iginawad kina Victor Valencia at Naomi Joyce Bernarte.
Inambag ni: Rosemarie Polo
Inedit ni: Johanna Rañola