Buwan ng Wika 2019, ipinagdiwang ng CMDI Tagum

Tuwing buwan ng Agosto ay nakaugalian nang ipagdiwang ang Buwan ng Wika bilang pagbabalik-tanaw sa wikang Filipino. Opisyal na binuksan ng CMDI Tagum ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong ika-1 Agosto 2019 na may temang, “Wikang katutubo tungo sa isang bansang Filipino”. Bilang bahagi ng pagdiriwang, inanyayahan ang lahat ng mga mag-aaral na gamitin ang wikang Filipino sa pakikipag-usap sa mga kapwa mag-aaral, pag-uulat, at iba pa.
Pinangunahan ng mga opisyal ng Student Leader Council at mga miyembro ng Minds Club ang iba’t ibang mga aktibidades at patimpalak na naglalayong pahalagahan ang Wikang Filipino.
Bawat linggo ay ginanap ang eliminasyon para sa patimpalak na talumpati. Samantala, noong ika-29 ng Agosto ay ginanap naman ang eliminasyon sa Katutubong Sayaw, Tagisan ng Talino, Malikhaing Pagguhit, Malikhaing Pagsulat, Video Mimicry, Halo-halong emosyon, Balagtasan at Sabayang Pagbigkas.
Noong umaga naman ng Agosto 30, 2019 ay ginanap ang eliminasyon sa Dalawahang Pag-awit o Romantikong Pag-awit. Sa bandang hapon naman ay sinimulan na ang huling pagtatanghal ng mga napiling kalahok para sa iba’t ibang kompetisyon. Bago simulan ang kompetisyon para sa Lakan at Lakambini ay inanunsyo muna ang mga nanalong kalahok sa bawat aktibidades na kanilang sinalihan.
Subalit ang pinakahihintay ng lahat ay ang pagpapakitang-gilas ng mga naggagwapuhang Lakan at mga naggagandahang Lakambini ng CMDI 2019 kung saan labing-dalawang (12) pares ang nagsipaglaban sa iba’t-ibang kasuotan gaya ng Pantalon , Festival, Filipiniana at Barong.
Walong pares ang umabante at nagtagisan ng talino sa pamamagitan ng pagsagot sa iba’t ibang katanungan na kanilang napili.
Sa huli, tatlong pares ang nanaig at itinanghal na mga Lakan at Lakambini ng CMDI 2019. Nakuha nila Quizel Mae Geollegue at Nico Jan Guipo ang Lakan at Lakambini ng Turismo. Nakuha din nila Lovely Genita at Arjie Silaya ang Lakan at Lakambini ng Edukasyon at ang itinanghal na Lakan at Lakambini ng CMDI 2019 ay sina Lexia Kaye Roman at Lester Jay Reponte.
Natapos ang selebrasyon ng Buwan ng Wika na matagumpay, masaya at mapayapa.

CMDI LAKAN AT LAKAMBINI 2019

MGA NANALO SA IBA’T IBANG PATIMPALAK