Sariwai’t Ipagdaos, Buwan ng Wikang Pambansa

DSC_0718

Nilagdaan ni Pangulong Ramon Magsaysay noong Setyembre 29, 1935 ang Proklamasyon Bilang 186 na naglalayong ipagdiwang ang “Linggo ng Wika” tuwing Agosto 13-19, kasabay na rin ng pagdiriwang ng kaarawan ng tinaguriang “Ama ng Wika” na si Pangulong Manuel Luis M. Quezon tuwing Agosto 19. Noon namang taong 1997, nilagdaan ni Pangulong Fidel V. Ramos ang Proklamasyon Bilang 1041 na ginawang isang buwan o sa buong buwan ng Agosto ang pagdiriwang ng wikang Filipino, o tinatawag na “Buwan ng Wika”. Tuwing sasapit ang Agosto 13-19, lahat ng paaralan sa bansa ay nagsisipaghanda sa pagdiriwang ng “Linggo ng Wika”.

Kaugnay nito, sinariwa ng CARD-MRI Development Institute, Inc. (CMDI) ang pagiging Pilipino sa pamamagitan ng selebrasyon ng “Buwan ng Wika” na may temang “Filipino: Wika ng Karunungan” noong Sabado, ika-20 ng Agosto 2016. Ginanap ang iba’t ibang patimpalak na nahati sa indibidwal at pangkatang kategorya. Kabilang sa indibidwal na kategorya ang mga sumusunod: Pagsulat ng Tula; Pagsulat ng Sanaysay; at Masining na Pagguhit. Samantala, ang pangkatang kategorya ay may apat na bahagi: Pagsayaw ng Katutubong Sayaw; Sabayang Pagbigkas (BIGSAWIT); Sabayang Pag-awit; at Lakan at Lakambini ng CMDI 2016.

Nagsimula ang unang bahagi ng palatuntunan sa isang doksolohiya na pinamagatang “Diyos ng Kabutihan” na pinangunahan ni Bb. Nicole Santos ng Block 2 Senior High School; sinundan ito ng Pambansang Awit na inihandog ni Bb. Jeremae Apacionado ng Block 3 Senior High School; at masiglang inawit ng CMDI Voices ang Himno ng CARD MRI na sinabayan ng pag-indak ng CMDI Dance Troupe. Malugod namang ipinakilala ang pangunahing tagapagsalita na si Dr. Edzel Ramos, Dekano ng institusyon, na nagbahagi ng mahalagang mensahe hinggil sa tema ng programa. Ipinakilala naman ni Bb. Rona Almagro, Officer-in-Charge of the Student Affairs ang mga hurado na sina: Bb. Maridel Manalo, Deputy Director for Finance and Admin; Bb. Mila Ramos, Librarian; at ang dekano ng CMDI. Pinangunahan ni G. Luisito Lapitan Jr., guro sa Filipino, ang pagbibigay ng batayan sa pagpapasya o “criteria for judging”.

Sa ikalawang bahagi ng palatuntunan ay nagpakita ng iba’t-ibang talento ang mga mag-aaral ng Senior High School at Kolehiyo. Masigabong palakpakan ang sumalubong sa mga kalahok ng iba’t-ibang pangkat nang magsimula silang magpakitang gilas sa entablado at sa harap ng mga hurado. Ang bawat grupo ay may kani-kanilang istilo na nagpahanga sa mga manonood.

Matiwasay at matagumpay na naidaos ang programa— isang selebrasyon ng pag-ibig sa sariling wika; pagtangkilik sa sariling kultura; at pagmamalaki sa karunungan ng mga Pilipino. Ang pagdaraos ng “Buwan ng Wikang Pambansa” ay tunay na mahalaga sapagkat ito ang nagpapaalalang mahalin, pahalagahan, tangkilikin, at pagyamanin ang wikang Filipino.

Sinulat ni Luisito C. Lapitan Jr., guro sa Filipino